Ang anime ay nagsimula noon pa lamang umpisa ng ika-dalawampung siglo. Noong taong 1907, naitala ang pinakaunang anime na nagtagal lamang ng tatlong segundo. Si Osamu Tezuka o mas sumikat bilang “legend” ang unang sumikat na Hapon na naging mapangahas para subukin ang larangan ng anime. Pinasimple niya ang mga paraan na ginagamit ng tanyag na “Disney” para sagutin ang kakulangan sa pera noong mga panahong iyon. At mula roon ay binuo niya ang kanyang sariling mga paraan ng “animation”.
Naging sagot ang anime sa naghihikahos na industriya ng pelikula at pag-arte sa Japan. Ang kakulangan sa mga artista at kakapusan ng pondo ang nagtulak sa mga manggagawa na buuin ang konsepto ng anime. Dito, sila ay nakabuo ng mga di-totoong artista at mga lugar na nagtatampok ng mga galaw ng mga totoong tao kasama na pati ang mga sa hayop. Ito ang nagtanggal sa limitasyon ng tao sa larangan ng mga palabas at pelikula. Naging posible para sa mga Hapon na makalikha ng mga palabas na lumalagpas sa imahinasyon at pag-iisip ng mga karaniwang tao.
Hindi maitatanggi ang kasikatang tinatamasa ng anime sa buong mundo. Sa katunayan, animnapung porsiyento (60%) ng kabuuang produksyon ng animation sa mundo ay nagmumula sa bansang Hapon (Shuji, 2006 – nabanggit ni Cafrey, 2008). Mahahati sa tatlong kategorya ang anime sa kasalukuyang merkado: a) feature-length na mga pelikula, b) mga palabas sa telebisyon, at c) video/DVD releases.
Kaakibat ng paglaganap ng anime sa pandaigdigang merkado, kinakailangan ng masusing
pagsasalin ng wikang Hapon lalung-lalo na sa mga DVD. Isang napakahalagang salik na maaaring minsan ay hindi natin binibigyang-pansin ay ang kalidad pagsasalin. Dalawang paraan ng pagsasaliin ang malimit na ginagamit: ang subtitling at dubbing
(Kilborn, 1993; Koolstra, Peeters, & Spinhof, 2002 binanggit ni Groner, Weibel, at Wissmath, 2009). Ayon kay Gottlieb (2005), ang subtitling ay isang uri ng pinaghandaang komunikasyon na gumagamit ng nakasulat na wika na siyang nagsisilbing karagdagan at kasabayang midyum ng pagtatakda ng kahulugan. Sa pag-aaral na ginawa ni Caffrey (2008), binigyang pansin ang interlingual subtitling (paglalagay ng subtitle mula sa isang wika patungo sa ibang wika).
Mahalagang aspeto ng dubbing ang pagkakasabay ng boses sa galaw ng mga labi ng isang tauhan. Ayon kay Marsi (1999), makikita ang mas mababang kabawasan sa impormasyong nakapaloob sa dayalogo. Mas napapadali ang panonod ng mga tao dahil hindi na nila kailangan pang magbasa habang nasa proseso ng panonood. Magkagayunman, napag-alaman sa pag-aaral nila Koolstra at Beentjes (2002) na mas naipagpapalagay ng mga
Mahalagang aspeto ng dubbing ang pagkakasabay ng boses sa galaw ng mga labi ng isang tauhan. Ayon kay Marsi (1999), makikita ang mas mababang kabawasan sa impormasyong nakapaloob sa dayalogo. Mas napapadali ang panonod ng mga tao dahil hindi na nila kailangan pang magbasa habang nasa proseso ng panonood. Magkagayunman, napag-alaman sa pag-aaral nila Koolstra at Beentjes (2002) na mas naipagpapalagay ng mga
manonood na wala masyadong pagkakaroon ng hindi natural na dating. Naiugnay ito sa pagkasanay ng mga tao (habituation) sa hindi perpektong galaw ng mga labi ng mga dubber.
Sa kabilang dako, ang paglalagay ng subtitle ay nagpapanatili ng orihinal na soundtrack.
Nakasaad sa literatura na ang hindi perpektong pagkakasabay ng wikang naka-dub sa galaw ng mga labi ay maaaring makagulo sa reception. Kahit na may magandang dulot ang subtitling, mapapansin rin na natatakpan ng mga subtitle ang ilang bahagi ng eksena sa isang palabas. Tatlong bagay ang pinanggagalingan ng impormasyon sa isang programa na may subtitle: ang visual na imahe, soundtrack ng banyagang wika, at ang subtitle na nasa native na wika (d’Ydewalle at Bruycker, 2007). Ang mga ito ay natutunghayan at gumagana
nang magkakasabay.
Bagamat mayroong mga positibo at negatibong aspeto sa pagitan ng subtitling at dubbing, batay sa pananaliksik nila Groner, Weibel, at Wissmath (2009), walang pagkakaibang natunghayan sa pagkaranas ng mga manonood sa spatial presence, trasportation, enjoyment, at flow (daloy). Ang mga nabanggit na salik ay pawang mayroong positive correlation.
Kaugnay nito, tinangkang hanapin sa pag-aaral ni Caffrey (2008) ang pagkakaiba sa pagkaintindi ng mga nonverbal cue (e.g. gesture, expression) sa pamamagitan ng subtitling ng mga anime sa pagitan ng mga mga kalahok na nag-aaral ng wikang Hapon at sa mga hindi nag-aaral nito. Malaki ang papel ng mga nonverbal cue (VNC) na ito sa pag-unawa sa isang banyagang kultura. Base sa resulta ng pananaliksik, mas mataas ang porsiyento ng pagkaintindi ng mga kalahok na nag-aaral ng wikang Hapon.
Bilang isang anime fan, masasabi kong mas epektibo ang pagpapahatid ng mga non-verbal cue sa mga manonood kung subtitling ang ginagamit. Hindi matatawaran ang dedikasyon na ibinibigay ng mga tagasalin para maintindihan ng mga manonood ang pinakamalapit na kahulugan ng mga salitang nasa wikang banyaga. Tulad ng paliwanag ni Cintas at Sanchez (2006), laganap na ngayon sa fansubbing ang paglalagay ng mga deskripsyon o note sa itaas ng screen na nagpapaliwanag ng mga cultural sign na maaring malabo para sa mga manonood. Bagamat tumutulong ito sa pag-unawa sa mga nonverbal cue, kailangan pa rin ng ibayong pananaliksik para makita ang epekto nito sa bilis ng pagbabasa ng mga manonood.
Importanteng isaisip natin na puwedeng mabago ng mga subtitle ang pananaw (perception) ng manonood sa isang eksena. Nagpapatunay lamang ito ng taglay na ‘kapangyarihan’ ng mga subtitler namahugis ang pananaw hindi lamang ng pinanggalingan ng text kundi pati na rin ang kulturang pinaghuhugutan ng konteksto sa palabas (Caffrey, 2008).
Sanggunian:
Caffrey, C. (2008). Viewer perception of visual nonverbal cues in subtitled TV Anime. European Journal of English Studies. 12, 163 - 178
Cintas, J. D. & Sanchez, P. M. (2006). Fansubs: Audiovisual Translation in an Amateur Enviroment. The Journal of Specialised Translation. 37–52.
d'Ydewalle, G. & De Bruycker, W. (2007). EyeMovements of Children and Adults While Reading Television Subtitles European Psychologist. 12, 196-205.
Groner, R., Weibel, D. &. Wissmath, B. (2009). Dubbing or Subtitling? Effects on Spatial Presence, Transportation, Flow, and Enjoyment. Journal of Media Psychology: Theories, Methods, and Applications. 21, 114-125.
Kilborn, R. (1993). Speak my language: Current attitudes to television subtitling and dubbing. Media, Culture and Society, 15, 641–660.
Koolstra, C.M., & Beentjes, J.W. (1999). Children’s vocabulary acquisition in a foreign language through watching subtitled TV programs at home. Educational Technology Research and Development, 47, 51–60.
Koolstra, C.M., Peeters, A.L.,&Spinhof, H. (2002). The pros andcons of dubbing and subtitling. European Journal of Communication, 17, 325–354.
Shuji, T. (2006). Cultural Assets and Liabilities. Japan Echo 4: 26–7.
(Jeni)
Ang galing! Hindi ko akalain na may pag-aaral pala tungkol sa effects ng subbing at dubbing. Kung ako ang tatanungin, mas gusto ko ang subbed anime dahil mas authentic o totoo ito para sa akin. Kaya lang d ako makanood habang may ginagawang ibang bagay tulad ng homework. Kapag dubbed kasi pwedeng i-play at pakinggan habang may ginagawang iba. Hahaha :)) at tama, maganda ung nag lalagay ng notes sa subtitle dahil mas naiintindahan ng manonood ang palabas at natututo ang manonood tungkol sa kultura ng mga Hapon. ^^
ReplyDeleteSang-ayon ako na mas praktikal ang dubbed na palabas :)) lalo na kung nahahati ang iyong atensyon sa maraming bagay XD
ReplyDeleteBatay sa napansin ko sa ilang mga anime, ang notes ay kalimitang napakahaba (nakalagay sa itaas na bahagi ng screen) at tumatagal lamang ng hindi hihigit sa apat na tatlong segundo. Medyo nakakainis lang kapag sobrang liit ng font size na ginamit kasi kailangan mo pang lumapit nang sobra sa screen para lang makapagbasa.
Meron rin namang mga nagsa-sub na inilalagay sa huling parte ng palabas (bago patugtugin ang ending song) ang mga notes. Inookupa ng notes ang buong screen 'di gaya ng notes na isinasabay sa mismong palabas. At higit sa lahat, may nakalaang sapat na oras para mabasang mabuti ng mga manonood ang mga impormasyon. ^_^
Hello po ako po si Joanna Cortez, manghihiram lang po ako ng ilang impormasyon at detalye sa inyong pag-aaral para sa aming pananaliksik. Ako po ay nagmula sa Apec Schools Espanya. Maraming salamat po!
ReplyDelete